Pagtaas ng presyo ng kada kilo ng baboy, hindi lang sa Pilipinas ayon sa Department of Agriculture
Kinumpirma ni Agriculture Sec. Manny Piñol na tumaas na sa 240 pesos ang presyo ng kada kilo ng baboy sa pamilihan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Piñol na sa ngayon ay mayroon silang isyu na nireresolba ngayon ukol sa pagtaas ng presyo ng baboy.
Hindi lamang aniya sa Pilipinas ang naturang pagtataas ng presyo ng karne, kundi isa na itong ‘worldwide phenomenon’.
“Meron tayong isyu na nireresolve ngayon sapagkat ito pong pagtaas ng presyo ng baboy actually hindi lang po sa Pilipinas. This is actually a worldwide phenomenon right now sapagkat nagkaroon po talaga ng shortage sa karne ng baboy worldwide.” ani Piñol.
Ipinaliwanag ni Piñol ang mga naging dahilan kung bakit nagtaas ang presyo ng baboy.
Una, nagkaroon aniya ng kakulangan sa suplay ng karne ng baboy sa buong mundo.
Ikalawa ay ang pag-angkat ng China ng maraming karne ng baboy, at ikatlo nagkaroon ng porcine epidemic diarrhea virus sa mga biik noong nakaraang taon.
Sinabi ni Piñol na nakaapekto sa produksyon ng baboy ngayong taon ang naturang sakit.
“In fact ang China is one of the main reasons why biglang tumaas ang presyo ng baboy sapagkat angkat sila ng marami. Nagkaroon din ng porcine epidemic diarrhea. Ito po ay umeepekto sa mga biik. It affected the production of pork this season,” pahayag pa ni Piñol.
Binanggit din ni Piñol na noong nakaraang taon, bumagsak ang presyo ng baboy kung kaya nadismaya ang mga hog raiser o mga nag-aalaga at nagpapalaki ng baboy.
Dahil dito, napilitan sila na itigil na ang ‘backyard hog raising’.
“Number 2, locally, nagkaroon tayo ng problema kasi noong araw bumagsak ang presyo ng baboy. Yung pong ating mga backyard [hog] raisers ay na-discourage and so they abandoned the backyard hog raising,” ani Piñol.
Pero tiniyak ni Piñol na gumagawa na sila ngayon ng paraan para matugunan ang naturang problema.
Samantala, sinabi din ni Piñol na pumirma siya ng isang order na magbibigay ng kapangyarihan sa pag-iimport ng 7 million kilos ng baboy.
Ito aniya ang nakita nilang figure o bilang ng bumagsak na produksyon sa merkado.
“I just signed an order na puwede mag-import in the mean time ng 7 million kilos of pork. Ito yung nakita namin na figure na bumagsak yung production. Ibig sabihin, over the last few months, kinuwenta namin yung shortage sa market and we came up with the figure of 7 million,” ani Piñol.
Ayon pa kay Piñol, ang naturang 7 million na kilo ng baboy ay aabot hanggang sa buwan ng Setyembre.
Pero ang pinoproblema lamang nila ngayon ay sa kabila ng kanilang anunsiyo, wala pa rin nag-aapply dahil mataas pa rin ang presyo ng baboy sa world market.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.