Ilang kalihim ng pamahalaan, nakisali sa mga Labor Day protests
Nakilahok ang tatlong kalihim ng Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga protesta ng mga manggagawa kahapon, Labor Day.
Sina Social Welfare Sec. Judy Taguiwalo at Agrarian Reform Sec. Rafael Mariano, na pawang mga lider mula sa makakaliwang grupo, ay kasama sa mga nagsalita sa Labor Day rally ng Kilusang Mayo Uno sa Liwasang Bonifacio sa Maynila kahapoan.
Kabilang sa mga isinulong ng mga manggagawa sa kanilang mga protesta kahapon bukod sa umento sa sahod at pagpapahinto sa contractualization, ay ang pantay na distribusyon ng lupa sa mga magsasaka.
Maliban kina Taguiwalo at Mariano, mistulang naroon din sa protesta si Environment Sec. Gina Lopez, na nagsalita lang sa pamamagitan ng phone call na pinarinig sa pamamagitan ng mga speakers.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Lopez na makakamit ang tagumpay ng bansa kung lahat ng mga tao ay magkakapit-bisig.
Samantala, ipinakita naman ni Taguiwalo sa libu-libong mga nagprotesta ang suporta niya sa mga ito.
Nakatitiyak aniya siya na hindi na ikagugulat ng pangulo ang kaniyang presensya sa rally dahil hindi naman siya naiiba sa mga ito.
Nangako naman si Mariano na pagtutuunan niya ng pansin ang pagpapagaan sa paghihirap ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapatupad ng “equal land distribution.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.