Tanyag na Swiss mountaineer, patay sa aksidente malapit sa Mt. Everest
Nasawi ang kilalang Swiss climber na si Ueli Steck sa isang mountaineering accident malapit sa Mount Everest sa Nepal.
Ayon kay Mingma Sherpa ng Seven Summit Treks, nasawi si Steck sa Camp 1 ng Mount Nuptse.
Narekober ang bangkay ni Steck sa nasabing lugar at dinala na sa Lukla, kung saan naroon ang natatanging paliparan sa Mount Everest.
Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung paano nasawi si Steck, pero pinaplano nitong akyatin ang 8,850-meter na Mount Everest, pati na ang Mount Lhotse sa susunod na buwan.
Si Steck ang kauna-unahang casualty ngayong spring mountaineering season sa Nepal na nagsimula noong Marso at matatapos ngayong buwan ng Mayo.
Daan-daang mga climbers ang dumadayo at sumusubok na akyatin ang Himalayan peaks tuwing Mayo, kung kailan sandali lamang nararanasan ang maayos na panahon.
Isa si Steck sa mga kilalang mountaineers sa kaniyang henerasyon, at kilala siya sa kaniyang speed-climbing, kabilang na ang pagtatala ng ilang records sa pag-akyat sa north face ng Eiger na isang tanyag na mountaineering peak sa Bernese Alps.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.