ASEAN Summit, natapos nang walang tiyak na kasunduan sa agawan ng teritoryo sa South China Sea
Natapos ang Association of South East Asian Nations (ASEAN) summit nang walang tiyak na kasunduan kung paano tutugunan ang isyu ng pinag-aagawang mga isla sa South China Sea.
Ilang oras makalipas ang opisyal na pagtatapos ng ASEAN Summit, walang inilabas na joint statement at hindi naging malinaw kung mayroon napagkasunduan ukol sa naturang isyu, at maging ang militarisasyon at pagtatayo ng mga istruktura ng China sa pinag-aagawang teritoryo.
Una nang sinabi ng spokesman ng foreign ministry ng Pilipinas na isang pahayag ang ilalabas kahapon, araw ng Sabado ukol sa isyu.
Inihayag din ng dalawang ASEAN diplomatic sources sa Reuters na ilang mga kinatawan ng ng Chinese embassy sa Manila ang nagnais na maimpluwensyahan ang nilalaman ng communique.
Ang China ay hindi miyembro ng ASEAN at hindi rin dumalo sa summit.
Nabatid na nakasaad sa nilalaman ng draft na lalabanan ng ASEAN ang mga hakbang ng China na mapanatili ang kanilang mga aktibidad sa South China Sea.
Pagkatapos ng summit, nagbigay ng pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte, na siyang chairman ng meeting, pero hindi nito sinagot ang mga tanong ukol sa militarization ng China sa South China Sea.
Sinabi lamang ng pangulo na nais ng ASEAN na makabuo ng isang framework para sa isang maritime code of conduct sa Beijing ngayong taon para maiwasan ang tensyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.