Klase sa PWU-JASMS, posibleng hindi magbukas ngayong pasukan
Pinangambahan ng mga magulang ng may animna daang mga mag-aaral ng Philippine Women’s University-Jose Abad Santos Memorial School (PWU-JASMS) ang posibleng hindi pagbubukas ng paaralan sa darating na pasukan.
Ito ay dahil hindi pa matiyak kung matatapos ang gagawing renovation sa gusaling paglilipatan ng paaralan mula sa kasalukuyang campus nito sa may Edsa sa Quezon City patungong Congressional Plaza sa Congressional Avenue sa nasabi ring lungsod.
Ayon kay Vicente Pijano, pangulo ng JASMS Parents’ Association (JPA), maraming mga magulang ang natatakot sa gagawing pagkumpuni sa paglilipatang Congressional Plaza sa Congressional avenue sa Quezon City, dahil hindi umano ligtas ang gusali para sa mga mag-aaral.
Kaugnay nito, isa pang isyu ang nais iparating ng grupo sa kinauukulan ay kung bakit pumayag ang Department of Education sa hiniling ng PWU-JASMS na mag-increase ng 29 percent sa kabuuang bayarin sa tuition at miscellaneous.
Kaya sila ay nanawagan kay Education Secretary Leonor Briones na panghimasukan na ang problemang namamagitan sa mga stakeholder ng paaralan.
Ayon naman kay Abner Arrieta, isa rin sa mga magulang na nangangamba, na bagamat hindi tutol ang marami sa kanila sa tuition increase, hindi naman umano tama na ipasa sa kanila ang pagbabayad sa gusali na nasa pangalan ng may-ari ng paaralan.
Nagsimula ang problema sa pagpapaalis sa PWU-JASMS dahil sa multi-milyong pisong pagkakautang ng pamilya Benitez, ang may-ari ng PWU, sa negosyanteng si Eusebio Tanco.
Abril noong 2016, pumirma ng settlement deal ang pamilya Benitez at Tanco para bayaran ang kanilang pagkakautang sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilan sa mga ari-arian nito sa negosyante.
Isa sa mga isinuko ng pamilya kay Tanco ay ang PWU-JASMS sa Quezon City at ilang properties sa Davao City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.