Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga lider mula sa ASEAN sa paglagda sa isang kasunduan na higit na magpapatatag sa civil service sa rehiyon.
Ang nasabing deklarasyon na may titulong “Declaration on the Role of the Civil Service as A Catalyst for Achieving ASEAN Community Vision 2025” ay nilagdaan bilang bahagi ng mga kasunduan sa 30th ASEAN Summit na ginaganap sa bansa.
Sinabi ni Civil Service Commission Chairperson Alicia Dela Rosa-Bala na mahalaga ang nasabing kasunduan dahil ang civil service pa rin ang maituturing na backbone para sa pagbuo ng common vision na siyang isinusulong sa pagpapalakas ng ASEAN region sa larangan ng ekonomiya at pulitika.
Samantala, sa ginanap na high-level meeting kanina ay tinalakay rin ang pangamba ng mga ASEAN leaders sa patuloy na nuclear testing na ginagawa ng North Korea.
Sa isang pahayag ay sinabi ng ASEAN Ministers na dapat ay panatilihin ang kahinahunan sa rehiyon para hindi pagsimulan ng anumang kaguluhan sa Korean Peninsula.
Sa record ng Department of Foreign Affairs ay aabot sa 40,000 ang mga Pinoy na naniirahan o di kaya ay nagtatrabaho sa Korean Peninsula na siyang sentro ngayon ng iringan sa pagitan ng North Korea at ng mga bansang Japan, South Korea pati na rin ng U.S.
Lumabas rin ang ulat na nakipagpulong sa kanyang mga counterparts sa Pilipinas ang non-resident Ambassador ng North Korea sa bansa na nakabase sa Thailand.
Gusto umano ng Pyongyang na huwag silang i-pressure ng Pilipinas sa gagawing ASEAN security forum sa buwan ng Agosto na dadaluhan ni U.S Secretary of State Rex Tillerson.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.