Code of conduct sa South China Sea, dapat maging “legally binding”

asean2017Ipinaalala ng secretary general ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na si Le Luong Minh na dapat gawing “legally binding” ang gagawing code of conduct sa South China Sea.

Ito ay upang tuluyan nang maitigil ang mga aniya’y “unilateral actions” ng anumang bansa sa pinag-aagawang rehiyon.

Ayon kay Minh, bagaman walang paramdam ang China ngayong taon tungkol sa pagiging bukas nila sa pagbuo ng framework ng code, umaasa siyang makakabuo pa rin ang ASEAN ng mga patakarang magagamit laban sa hindi pagkakaunawaan at militarisasyon sa rehiyon.

Giit ni Minh, mahalaga ang sinasabing code dahil sa dami na ng mga ginagawang reclamation at militarisasyon sa South China Sea.

Oras aniya na magkaroon ng legally binding code, hindi lang maiiwasan ang mga susunod pang hakbang ng anumang bansa para mang-agaw ng teritoryo, kundi mareresolbahan din ang mga ganitong insidente.

Matagal nang target ng mga miyembro ng ASEAN na claimants sa South China Sea tulad ng Pilipinas, Brunei at Malaysia, na mapasunod sa isang coden of conduct ang China.

Naniniwala ang mga ekspertong mahirap pasunurin ang China sa ganitong mga patakaran, at hindi ito papayag hangga’t hindi lumalabnaw ang code na palalagdaan nito sa ASEAN.

Kaya naman ayon kay Minh, wala silang direktang garantiyang makakamit nila ang pakikipagkasundo ng China, pero gagawin nila ang lahat para dito.

Read more...