Ilocos Norte, patuloy na binabayo ng malakas na ulan kahit palayo na si Ineng
Nahihirapan ang probinsya ng Ilocos Norte sa lupit ng Bagyong Ineng.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, inamin ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos na hirap ang pagpasok ng mga tulong sa kanilang lalawigan, at isa sa mga rason ay ang kawalan daw ng pipirma ng tseke dahil sa long weekend.
“Ang lupit ni Ineng, hindi na namin kinakaya,” ani Marcos.
“Ang problema pa, nagpapaumanhin sila dahil long weekend, walang pipirma ng tseke,” dagdag ni Marcos.
Bukod dito, sinabi ng Gobernadora na nangangamba pa rin ang mga residente dahil bagama’t wala nang typhoon signal, mayroon namang flood warning.
Ani Marcos, marami pa ring lugar sa Ilocos Norte ang lubog sa baha, at may naitatala pang landslides dahil sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan.
Wala ring suplay ng kuryente sa Laoag City, dahil bumagsak ang mga torre ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.
Dagdag ni Marcos, sa kasalukuyan ay walang pang mga flights, at pati ang ‘by land’ na biyahe ay pahirapan.
Problemado rin aniya sila dahil bago ang Bagyong Ineng, dumarami ang kaso ng dengue, at ngayon ay tiyak na mararamdaman nila ang health impact gaya ng pagdami ng mga kaso ng sipon, ubo, diarrhea at iba pang sakit./ Isa Avendaño-Umali
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.