Sa isang ambush interview sa Malacañang, sinabi ng pangulo na hindi niya nagustuhan ang ginawang pambabastos sa kanya ng nasabing broadcast network noong panahon ng eleksyon.
Muling niyang inungkat ang hindi pag-eere ng ABS-CBN sa kanyang mga biniling TV advertisement pero hindi naman daw ibinalik ang kanyang ibinayad para dito.
Inakusahan rin niya ang nasabing media firm na nagpagamit sa ilang grupo makaraang payagang maisahimpapawid ang mga black propaganda laban kay Duterte noong panahon ng kampanya.
Samantala, sinabi rin ni Duterte na ipinakakalkal na niya ang kaso ng hindi pagbabayad ng buwis ng pamilya Prieto na siyang may-ari ng Philippine Daily Inquirer.
Sinabi ni Duterte na kasangkot si dating Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henarez sa pagtatago sa tax liabilities ng mga may-ari ng nasabing pahayagan.
Binanggit rin ng pangulo na interesado siyang malaman kung paanong napunta sa kamay ng isang pamilya ang isang malaking lupain sa Makati na umano’y matagal nang pinagtatalunan mula pa noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ang tinutukoy ng pangulo ay ang “mile long property” na pagmamay-ari ng pamilya Rufino at Prieto.
Tinawag rin ni Duterte na “basura” ang New York Times makaraan umano siyang batikusin sa kanilang editorial ng wala namang sapat na basehan.
Sinabi ng pangulo na hindi dapat binibigyan ng espasyo sa media ang mga isyung kaugnay sa kanyang kampanya kontra sa iligal na droga.
Imbes na tumulong para sugpuin ang droga ay mas tinututukan umano ng media ang karapatan ng mga napapatay na kriminal kahit na lumabas sa mga imbestigasyon na lumaban ang mga ito sa mga otoridad na naging dahilan ng kanilang kamatayan.