Pinuna ni United Nationalist Alliance o UNA President at Navotas Rep. Toby Tiangco ang pagkuwestiyon ng Malakanyang sa desisyon ng Korte Suprema na payagan si Senador Jua Ponce Enrile na pansamantalang makalaya, na posible raw masundan ng pagpapalaya sa mga nakakulong din na sina dating Pangulo Gloria Arroyo at nina Senador Jinggoy Estrada at Bong Revilla
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Tiangco na tila dinadala ng Palasyo ang usapan sa “personalidad”.
Giit ni Tiangco, hindi dapat tingnan ang isyu sa kung sino ang nasasakdal, kundi kung ano ang legalidad.
Ayon pa kay Tiangco, hindi puwedeng kwestiyunin ang pasya ng Korte Suprema dahil inaral at binusisi nito ang inihaing mosyon ni Enrile, na nahaharap sa mga kasong plunder at graft kaugnay sa Pork Barrel Scam.
“Hindi puwedeng kwestiyunin ang desisyon ng Korte Suprema. Kung ano ang desisyon ng Korte Suprema, dapat nating sundin, ganyan ang ating justice system.” “Dinadala nila ang usapan sa personalidad. Ang batas walang kinikilingan, walang kinakatigan. Ang tingin dapat lang ng korte hindi kung sino ang nasasakdal, kundi kung ano ang legalidad. Yun ang desisyon ng Korte Suprema, hindi ko alam bakit tinitingnan nila on a personal matter, hindi sino ang posibleng makalaya, dapat tingan ang legalidad,” ani Tiangco.
Kung patuloy na kukuwestiyunin ang provisional release kay Enrile, hinamon ni Tiangco mas mainam daw na magsampa na lamang ang Malakanyang o mga kritiko ng motion for reconsideration sa Supreme Court.
Samantala, sinabi ni Tiangco na hindi pa sila nagkaka-usap ni Enrile mula noong makapag-piyansa siya sa SandiganBayan at makauwi sa bahay noong Huwebes.
Pero ayon kay Tiangco, hahayaan muna niya si Enrile na magpahinga at makasama ang pamilya, at sa mga darating na araw ay posibleng magpulong sila ukol sa mga plano ng UNA sa 2016 Elections./ Isa Avendaño-Umali
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.