Manhunt sa 3 natitirang Abu Sayyaf members sa Bohol, nagpapatuloy

By Mariel Cruz April 27, 2017 - 11:58 AM

ABU SAYYAF BOHOL
CEBU DAILY NEWS PHOTO

Nagpapatuloy ang ikinasang manhunt operations laban sa tatlong natitirang miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Bohol, kung saan isa sa kanila ay namataan sa munisipalidad ng Tubigon.

Kinilala ang tatlong Abu Sayyaf members na sina alyas ‘Asis’, alyas ‘Ubayda’, at Kaifar Sawadjaan alyas Abu Omarang.

Ayon kay Clarin Mayor Allen Piezas, nakatanggap siya ng impormasyon na ang isa sa tatlong bandido ay nakita sa Barangay Buenos Aires sa Tubigon.

Nabatid na nanghiram ng tsinelas ang naturang rebelde sa isang residente.

Agad naman ipinagbigay alam ng residente sa otoridad ang presensya ng naturang Abu Sayyaf member.

Noong nakaraang Sabado, apat na miyembro ng Abu Sayyaf group, kabilang na ang sub-leader na si Joselito Mellora, ang nasawi sa makikipagsagupaan sa tropa ng gobyerno.

Isa sa katawan ng mga rebelde ang natagpuan ilang metro lang ang layo sa bahay ng isang Maires Santiago, sa Barangay Mataub, Clarin.

Samantala, unti-unti nang bumabalik sa normal ang buhay sa munisipalidad ng Clarin at kakaunti na lamang na mga residente ang mas piniling manatili sa evacuation center tuwing gabi.

Ayon kay Chief Supt. Noli Taliño, director for Police Regional Office 7, naniniwala siya na hindi magtatagal ay mahuhuli na rin ng gobyerno ang tatlong nalalabing Abu Sayyaf members.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.