Seguridad ng mga head of state na tutungo sa Luneta, kasado na
Nakalatag na ang seguridad sa bisinidad ng Luneta Park na kinatitirikan ng monumento ng Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal.
Ito ay sa gitna na rin ng inaasahang pag-aalay ng bulaklak o wreathlaying na tradisyunal na ginagawa ng mga pinuno ng bansa sa monumento ni Gat. Rizal katulad sa tuwing dadalaw sila ng Pilipinas.
Ayon kay MPD Director Chief Supt. Joel Coronel, inaasahan na ang pag-aalay ng bulaklak ng mga head of state na kasapi ng Association of South East Asian Nations o ASEAN na may ginaganap ngayong pagpupulong sa Philippine International Convention Center.
Nabatid kay Coronel na nagtalaga na ng sapat na bilang ng pulis sa paligid ng Rizal Park para sa nakatakdang pagpupugay at pag aalay ng bulaklak ni Sultan Hassanal Bolkiah ng Brunei sa bantayog ni Dr. Jose Rizal ngayong araw.
Si Bolkiah ang unang head of state na kabilang sa ASEAN 50 Summit na dumating sa bansa kagabi, pasado alas-6.
Makakatuwang ng MPD ang Presidential Security Group sa pagbibigay ng seguridad sa Hari ng Brunei.
Bukod sa ilang araw na paghahanda ng National Park and Develoment Committee, kaugnay ng kalinisan sa Rizal Park, nagsagawa na rin ng panning operations ang K-9 unit ng MPD upang matiyak na walang makalulusot na masamang elemento sa paligid.
Pansamantalang ihihinto ang daloy ng trapiko, sa magkabilang panig ng Roxas Blvd mula sa Padre Burgos, hanggang sa TM Kalaw St. upang bigyang-daan ang seremonya ng pag-aalay ng bulaklak ni Sultan Bolkiah sa bantayog ni Rizal bago ang inaasahang pakikipagkita niya kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.