Magpapatupad ang Metropolitan Manila Development Authority ng re-routing para sa mga truck na bumabagtas sa Roxas Boulevard.
Ayon sa abiso ng MMDA, lahat ng truck na may bigat na 4,500 kilograms pataas, ito man ay nakarehistro sa Terminal Appointment Booking System o TABS o hindi, ay pagbabawalang dumaan sa Roxas Blvd.
Sinabi ng MMDA na epektibo ang pagbabawal bukas, araw ng Huwebes at Biyernes dahil sa 30th ASEAN Summit sa PICC sa Lungsod ng Pasay.
Pinapayuhan naman ng MMDA ang mga apektado na manggagaling sa Port Area patungong South Super Highway na dumaan sa Bonifacio Drive, kaliwa sa P. Burgos, Finance Road, Ayala Boulevard, kanan sa San Marcelino, kaliwa sa Pres. Quirino Avenue, at kumanan patungong South Super Highway.
Ang mga manggagaling naman sa South Super Highway patungong Port Area ay pinapayuhang dumaan sa South Super Highway, kanan sa Pres. Quirino Avenue, kaliwa sa Plaza Dilao, kanan sa Pres. Quirino Avenue Extension, kaliwa sa United Nations Avenue, kanan sa Romualdez Street, kaliwa sa Ayala, Finance Road, P. Burgos, at kumanan sa Bonifacio Drive patungong Port Area.