Aabot sa humigit kumulang na dalawang libong mga delegado ang dadalo sa ASEAN Summit 2017 na magsisimula ngayong araw.
Ito ay gagawin sa Philippine International Convention Center o PICC sa lungsod ng Pasay.
Ilan sa mga nauna nang mga delegado at naririto na sa bansa ay galing ng Brunei at Myanmar habang may advanced party na rin na naiulat na naririto na mula sa Malaysia.
Ilan sa mga mahahalagang agenda na pag-uusapan ng mga delegado at senior officials ay ang patungkol sa mga isyu na pagtutulung- tulungan ng ASEAN member countries gaya ng pulitika at seguridad.
Huling nakapag-host ang Pilipinas ng ASEAN meeting ay noon pang 2007.
Samantala, bago ang state visit ng Sultan of Brunei at ni Indonesian President Joko Widodo sa bansa, may mauuna munang espesyal na bisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa Palasyo mamayang hapon.
Ito ay si Rolando “Tatay Oly” Santos, ang 68 taong gulang na sapatero na gumawa ng handmade leather boots para sa punong ehekutibo na dapat sanay suot ng pangulo noong kanyang inagurasyon.
Hindi naman naisuot ni Pangulong Duterte ang gawang sapatos ni Tatay Oly para sana sa kanyang panunumpa at naisuot lamang ang leather boots nang nagpunta sa Palasyo si US Secretary of State John Kerry noong Hulyo nang nagdaang taon.
Nagustuhan umano ni Pangulong Duterte ang gawang sapatos ng 68 taong gulang na shoemaker kaya nag-order ang presidente ng isa pang pares na itim na sapatos mula sa kanya.
Alas tres y medya ng hapon ang nakatakdang courtesy call ni Tatay Oly sa chief executive na residente ng tinaguriang shoe capital of the Philippines, ang Marikina.
Bago ang pagkikita ng pangulo at ng beteranong sapatero ay magko-courtesy call muna ang Board of Directors ng Philippine Chinese Charitable Association na gagawin din sa Palasyo.
Samantala, kapansin pansin na nakasabit na ang bandila ng Brunei sa kahabaan ng Laurel Street sa bisinidad ng Malakanyang at iba pang kalsada na dadaanan ni Sultun Hassanal Bolkiah.
Darating mamayang 6:45 ng gabi si Sultan Bolkiah para sa state visit at dadalo sa ASEAN Summit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.