“I will kill you” statement ni Duterte, seryoso-Sabio
Hindi biro kung hindi seryosong banta ang mga binibitiwang kataga ng pagpatay ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang bahagi ng nilalaman ng complaint na inihain ni Atty. Jude Sabio sa International Criminal Court laban sa dating alkalde at kasalukuyang pangulo ng bansa.
Ayon sa reklamo, ang mga katagang “I will kill you” na malimit na binibitiwang salita ni Pangulong Duterte ay seryosong banta na pagkitil sa buhay ng isang tao.
Malinaw naman aniyang naitatala sa mga record ang pagbibitiw ng ganitong uri ng banta ni Duterte noong alkalde pa ito at kahit ngayong presidente na ito ng Pilipinas na isang paglabag sa umiiral na batas.
Ang mga banta ng pagpatay aniya ay malinaw namang pinatutunayan sa mga testimonya nina Edgar Matobato at SPO3 Arturo Lascañas na umamin na miyembro sila ng Davao Death Squad na pinasisimunuan ni Duterte.
Makailang ulit rin aniyang inihayag at nakatala sa mga record na ipinagmamalaki pa ni Pangulong Duterte noon na ang mga pagpatay sa mga hinihinalang kriminal sa Davao City ang dahilan kaya’t itinuturing na isa sa mga ‘safest city sa buong mundo’ ang lungsod.
Samantala, nagbanta naman si Solicitor General Jose Calida na sasampahan ng disbarment case si Sabio dahil sa paghahain nito ng walang basehang reklamo laban sa pangulo sa ICC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.