Aminado ang Bureau of Immigration na hindi nila maaring piliting bumalik ng bansa si Ret. SPO3 Arturo Lascanas.
Ayon kay Immigration Spokesperson Atty. Antonette Mangrobang ito ay sapagkat wala namang kasong kinakaharap si Lascañas bukod pa sa wala ring Hold Departure Order (HDO) at Immigration Lookout Bulletin order laban dito.
Bagamat dapat sanay ay April 22 ang return flight ni Lascanas mula sa naging biyahe nito sa Singapore, may mga panahon anyang pinapayagan ang extension ng pananatili ng isang dayuhan sa isang bansa.
Sakali man anyang lumagpas pa sa 30-araw na panahon ang pananatili ni Lascanas sa Singapore at hindi ito makakuha ng extension ay doon palang posibleng magkaroon ng paglabag sa Immigration laws ng Singapore si Lascañas.
Sinabi pa ni Mangrobang na hindi pa rin sila maaring dumulog sa Interpol upang alamin ang kinalalagyan ni Lascañas.
Si Lascañas ay umalis ng bansa noong April 8 patungong Singapore at nakatakda sanang bumalik noong Sabado subalit hindi ito umuwi ng Pilipinas.