Bomba, narekober sa nirentahang apartment ni Supt. Nobleza

By Rohanisa Abbas April 25, 2017 - 10:36 AM

NOBLEZANatagpuan ng pulisya ang isang pampasabog mula sa apartment na nirentahan ni Supt. Maria Cristina Nobleza, ang opisyal ng Philippine National Police na inaresto at pinaghinalaang itatakas umano ang mga myembro ng Abu Sayyaf group (ASG) sa Bohol.

Ayon sa Police Regional Office 7, narekober nila ang isang C-4 explosive, isang detoinating cord, isang blasting cap at isang blasting cap kit sa isang apartment sa Barangay Looc sa Panglao, Bohol.

Nakuha ang naturang pampasabog sa isa sa mga bagaheng pag-aari ng grupo ni Nobleza na iniwan sa apartment.

April 17 nang rentahan ito ni Nobleza, at ng kasintahan niyang hinihinalang ASG bomber na si Reenor Lou Dungo, kasama ang dalawang iba pa.

Ayon sa may-ari ng apartment na si Paulino Apduhan, nakatakda sana itong lisanin ng grupo ni Nobleza noong Sabado.

Gayunman, noong Sabado, naaresto sina Nobleza at Dungo makaraang hindi tumigil sa checkpoint ng pulisya sa Barangay Bacani.

Batay sa narekober na text messages mula sa cellphone ni Nobleza, nagtungo ang mga ito sa lugar para iligtas ang nalalabing myembro ng ASG na nasa lalawigan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.