Giit ni Baguilat, ang desisyon ng labing lima mula sa tatlumpu’t apat na LP congressmen ay batay sa kanilang conviction o paninindigan at ito ay taliwas aniya sa alegasyon ni House Deputy Minority Leader at ABS Partylist Rep. Eugene Michael De Vera na playing safe ang partido at maagang pagpapakita ng pagsuko.
Binigyang-diin ni Baguilat na dumaan ito sa masusing diskusyon at debate ng mga miyembro ng LP.
Aminado naman si Baguilat na salungat siya sa posisyon na huwag katigan ang impeachment complaint laban kay Duterte pero igagalang umano niya ito dahil dumaan ito sa tamang proseso ng kanilang partido.
Banat naman ni Baguilat sa minorya, nananahimik ito sa isyu ng impeachment na nagpapakita lamang na wala itong paninindigan at pinatunayan ang pagiging coopted minority na sunud-sunuran sa dikta ng administrasyon.
Matatandaang na inihain ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano sa Kamara ang impeachment complaint laban kay Duterte habang nagbabanta naman ang mga tagasuporta ng presidente na maghain din ng reklamo kontra kay VP Leni.