Mga barko ng navy ng China at hindi mga Coast Guard ang nagpapaputok at nagtaboy sa mga Pilipinong mangingisda sa Union Bank kamakailan.
Ito ang ibinunyag ni Magdalo Rep. Gary Alejano matapos nila aniyang makausap ang mga mangingisdang nasangkot sa naturang insidente.
Personal na tinungo ni Alejano ang Mariveles, Bataan kung saan naninirahan ang mga mangingisda na tripulante ng Princess Johanna na siyang pinaputukan umano ng mga Chinese.
Sa Bgy. Sisiman, sa Mariveles, personal na ipinakita ni Alejano sa mga mangingisda ang mga larawan ng iba’t ibang uri ng mga barko ng China at mga uniporme ng People’s Liberation Army.
Dito na kinumpirma ng mga ito na pawang mga kulay abo o ’grey’ na mga barko ang humarang sa kanila sa Union Bank at nagpaputok ng warning shots upang sila ay takutin.
Paliwanag ni Alejano, ang mga ‘grey ships’ ay ang mga barkong ginagamit ng Chinese navy samantalang puti naman ang sinasakyan ng mga China Coast Guard.
Ayon kay Alejano, labis nang nakakabahala ang ipinapakitang agresyon ng China sa mga lugar na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Una nang iginiit ni Alejano na dapat na maghain ng ‘strong protest’ laban sa China dahil sa naturang insidente.
Ang Union Bank ay may layong 230 kilometro sa kanluran ng Palawan na malinaw na nasa loob ng Extended Economic Zone ng Pilipinas.