Pagkamatay ng anim na kababaihan sa Zamboanga City, hindi pa rin nalulutas
Umaabot na sa anim na mga kababaihan na naunang napaulat na nawawala ang natatagpuang patay sa magkakahiwalay na lugar at araw sa lungsod ng Zamboanga nitong mga nakalipas na dalawang taon.
Ayon sa ulat ng pulisya, karamihan sa mga biktima at umeedad sa pagitan ng 20 hanggang 33 taong gulang.
Pinakahuling insidente ay ang pagkawala ng 23-anyos na si Maria Clariz Faylona noong April 2 na kalaunan ay natagpuang hubu’t-hubad at wala nang buhay makalipas ang pitong araw.
January 4 naman nang mawala ang biktimang si Erica Jean Rosal, 20-anyos at makalipas ang dalawang araw ay natagpuan rin itong wala nang buhay at may tama ng matigas na bagay sa kanyang mukha.
Bago ang pagkakatagpo sa labi ng dalawang biktima, may nauna nang apat na babae ang natagpuan na may indikasyon na pinahirapan muna bago pinatay ng hindi nakilalang salarin sa naturang lungsod sa pagitan ng November 2015 hanggang October 2016.
Dalawa sa mga ito ang hindi pa rin nakikilala hanggang sa ngayon.
Palaisipan sa mga otoridad ang pagkakilanlan ng suspek sa mga krimen at kung iisang tao lamang o grupo ang may gawa ng mga ito.
Hanggang sa kasalukuyan, nananatiling ‘unsolved’ ang mga kaso ng mga pagpatay sa mga biktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.