“I want them dead.”
Ito ang tahasang mensahe ni Pangulong Duterte laban sa Abu Sayyaf na binitiwan nito sa harap ng mga dumalo sa pagbubukas ng ika-animnapung taong Palarong Pambansa na ginaganap ngayon sa lalawigan ng Antique.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng pangulo na direkta niyang iniutos sa militar na huwag matutulog at huwag titigilan ang pagtugis sa mga miyembro ng Abu Sayyaf.
Mas gugustuhin pa niya aniya na makitang patay ang mga ito sa halip na buhayin pa.
Giit pa ng pangulo, mga terorista ang Abu Sayyaf na mistulang mga hayop sa kanilang karumal-dumal na ginagawa sa kanilang mga bihag.
Nagbanta pa ang pangulo na handa niya ring tapatan ng pagiging bayolente ang ipinapakitang karumal-dumal na karahasan ng mga bandido.
Suka at asin lamang aniya ang katapat ng mga ito at handa siyang ipulutan ang mga ito anumang oras, pahayag pa ng pangulo sa halos 12,000 delegadong dumalo sa naturang paligsahan ng mga kabataan na karamihan ay nasa elementarya at high school.