DOTr, nagbantang kakanselahin ang kontrata ng maintenance provider ng MRT-3

MRTNagbanta ang Department of Transportation o DOTr na kanilang ite-terminate o ipawawalang-bisa ang kontrata sa maintenance provider ng Metro Rail Transit o MRT-3, kasunod ng serye ng pagkasira ng mga tren matapos ang Holy Week.

Sa sulat na may petsang Abril 19, 2017, hiniling ni DOTr Undersecretary Cesar Chavez sa Busan Universal Rails Incorporated na ipaliwanag ang nangyaring mga aberya sa mga tren gayung katatapos lamang sumailalim sa maintenance works ng mga ito noong Semana Santa.

Pitong araw ang ibinigay ni Chavez sa Busan Universal Rails Inc. para magpaliwanag kung bakit hindi kailangang kanselahin ang kanilang kontrata.

Matatandaang nagkaroon ng sunud-sunod na pagpalya ang biyahe ng MRT-3 matapos ang 4-day maintenance check sa kanilang railway noong Holy Week break na nag-iwan ng kuwestyon sa kaligtasan nito.

Una na ring sinabi ng Korean-based company na hindi akma ang grasa na ginagamit sa MRT-3 sa sobrang init ng panahon ngayon sa Metro Manila dahil sa summer season.

 

Read more...