Hindi pagsuporta ng LP Congressmen sa Duterte impeachment, ikinalugod ng Malakanyang
Ikinalugod ng Malakanyang ang posisyon ng ilang kongresista mula sa Liberal Party o LP na hindi suportahan ang impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, ang anumang hakbang para patalsikin si Duterte ay magiging ‘counterproductive’ lamang para sa buong Pilipinas, partikular sa ekonomiya lalo’t itinuturing ang ating bansa bilang ‘fastest growing’ sa Southeast Asia.
Noong Biyernes, naglabas ng isang statement ni House Deputy Speaker at LP stalwart Miro Quimbo kung saan kanyang nabanggit na hindi kakatigan ng labing limang LP congressmen na miyembro ng supermajority ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Duterte, maging ang nakaumang na reklamo kontra kay Vice President Leni Robredo.
Katwiran ni Quimbo, ang impeachment proceeding ay magdudulot lamang ng pagkakawatak-watak ng bansa.
Nakakaabala rin aniya ang proseso sa mahahalagang usapin at prayoridad ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Matatandaan na naghain si Magdalo PL Rep. Gary Alejano ng impeachment complaint laban kay Duterte dahil sa umano’y kabiguan nitong umaksyon sa tensyon sa West Philippine Sea at Benham Rise, maging sa umano’y kwestiyunableng yaman nito, mga kasong kinasasangkutan ng Davao Death Squad at ang kontrobersyal na war against drugs ng administrasyon.
Ang ilang Duterte supporters naman ay may nakaumang na impeachment complaint laban kay Robredo, bunsod ng video message nito na ipinadala sa United Nations o U.N. ukol sa kampanya kontra sa ilegal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.