Ipinagtanggol ng Malakanyang ang pagbisita nina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Armed Forces of the Philippines o AFP Chief Eduardo Año at iba pang opisyal ng militar sa Pag-asa Island kamakailan.
Sa isang statement, sinabi ni Presidential spokesman Ernesto Abella na ang pagpunta ni Lorenzana at AFP sa naturang isla ay bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na mapabuti ang kaligtasan, kapakanan at kabuhayan ng mga Pilipino na nakatira sa munisipalidad ng Kalayaan.
Ayon pa kay Abella, matagal nang nagsasagawa ng ‘customary and routine maritime patrol and overflight’ ang Pilipinas sa West Philippine Sea.
Kaya giit ng Palace official, naaayon ang mga naturang aktibidad, sa ilalim ng international law.
Ang pahayag ni Abella ay inilabas kasunod ng pag-alma ng China sa pagdalaw nina Lorenzana, Año at iba pang mga opisyal at maging ng media sa Pag-asa Island noong Biyernes.
Sinabi ni Chinese foreign ministry spokesman Lu Kang na ang biyahe sa isla ng mga nabanggit na opisyal ng goyerno ay taliwas umano sa consensus ng dalawang panig kaugnay sa isyu ng pinag-aagawang teritoryo.
Matatandaan na inihayag ni Lorenzana na aabot sa P1.6 billion ang inilaan ng pamahalaan para sa planong pagtatayo ng mga imprastraktura at pasilidad doon sa isla.
Inanunsyo rin nito na balak din umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na dumalaw sa Pag-asa Island.