Paglaya rin ni Ex-Pres. GMA, pinangangambahan kasunod ng desisyon ng SC kay Enrile

Mula sa inquirer.net

Nangangamba ang palasyo ng Malacañang na mapakinabangan din ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang naging pasya ng Korte Suprema na pagpiyansahin si Senador Juan Ponce Enrile dahil sa humanitarian consideration.

Si Arroyo ay kasalukuyang naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City dahil sa mali umanong paggamit ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO.

Maging ang mga detinidong senador na sina Jinggoy Estrada at Bong Revilla ay pinangangambahan din ng Malacañang na makinabanag sa naging hatol ng Kataaas-taasang Hukuman.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ang ruling ng Supreme Court ay maituturing na doktrina at ito ay maaring ipatupad sa lahat, maliban na lamang kung lilimitahan ng korte ang pagpapatupad nito.

Matatandaang pinahintulutan ng Korte Suprema ang hiling na makapagpyansa ni Senador Enrile noong nakaraang linggo.

Bukas, araw ng Lunes, inaasahang balik Senado na si Enrile./Ricky Brozas

Read more...