3 miyembro ng ASG, patay sa ikalawang engkwentro sa tropa ng gobyerno sa Clarin, Bohol
Tatlo pang hinihinalang miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group ang napatay sa ikalawang bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ASG sa Clarin, Bohol kahapon (April 22).
Ito ang kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines o AFP chief Eduardo Año.
Naganap ang ikalawang engkwentro kagabi, dakong alas-nuebe ng gabi.
May narekober ding tatlong matataas na kalibre ng mga armas, gaya ng M16 at M14 rifles.
Nauna nang sinabi ni Bohol Governor Edgar Chatto na ang unang sagupaan ay nangyari 12:45 ng hapon ng Sabado, kung saan napaslang din ang ASG sub-leader na si Joselito Melloria.
Batay aniya sa mga impormasyon mula sa mga sibilyan, nagkukuta ang ilang miyembro ng ASG sa isang kweba.
Tiniyak naman ni Chatto na ang mga apektadong residente ay inilikas na, habang ang lokal na pamahalaan ay nag-deploy ng mga grupo upang magbigay ng tulong.
Matatandaan na noong April 11 o Martes Santo, anim na ASG members, kabilang na ang kanilang lider na si Abu Rami, ay nasawi sa pakikipag-bakbakan nito sa pwersa ng gobyerno sa Inabanga, Bohol.
Subalit ayon kay Chatto, ligtas at mapayapa pa rin sa kanilang lalawigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.