Lalaking nagpagamot ng STD sa Cebu napagkamalang Abu Sayyaf member
Bahagyang nagkaroon ng tensyon sa bayan ng Balamban sa lalawigan ng Cebu nakaraang harangin ng mga pulis ang isang pampasaherong van na umano’y sinasakyan ng isang suspected Abu Sayyaf member.
Sa ulat na nakarating sa Police Regional Office 7 (PRO), sinabi ni Supt. Jaime Quicho ng Police Community Relations Officer sa lalawigan ng Cebu na false alarm at hindi ASG member ang lalaking inimbitahan ng mga otoridad na sumama sa kanilang sa presinto.
Napag-alaman na nagpunta sa isang espesyalistang duktor sa bayan ng Balamban ang lalaking hindi na pinangalanan dahil sa kanyang sakit na Sexually Transmitted Disease (STD).
Ang nasabing lalaki ay galing pa umano sa Lanao Del Sur ayon sa ulat ng PNP.
Napagkamalan umano ng ilang mga nakakita nab aka miyembro ng ASG ang nasabing lalaki dahil mayroon itong sugat sa paa na inakala naman nila na baka tama ng bala.
Kamakailan kasi ay pinasok ng mga bandidong grupo ang bayan ng Inabanga sa lalawigan ng Bohol na hindi kalayuan sa Cebu.
Sa ginawang interogasyon ng mga pulis ay napag-alaman na isang lehitimong negosyante ng mga RTWs sa Lanao Del Sur ang naturang lalaki at nagpunta umano siya sa Cebu para ipagamot sa isang espesyalista ang kanyang STD.
Tinananong din ng mga otoridad ang duktor kung saan ay kinumpirma nito na pasyente nga niya ang nasabing lalaki na kaagad rin namang pinakawalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.