Nananatili sa isang evacuation center sa Olango Island sa lalawigan ng Cebu ang halos ay 25 pamilya makaraan nilang lisanin ang kanilang mga bahay dahil sa presensiya ng mga pinaniniwalaang miyembro ng Abu Sayyaf Group.
Sa ulat ng PNP Regional Police 7 (PRO 7), tinapos na kahapon ng combined elements ng Armed Forces of the Philippines at SWAT Team mula sa PNP Cebu ang paggalugad sa mga lugar na posibleng pinagatataguan ng dalawang armadong kalalakihan na sinasabing kasapi sa bandidong grupo.
Ayon kay Barangay San Vicente Chairman Cyrus Eyas, noong nakaraang araw pa nagdesisyon ang ilang residente sa Sitio Badasku na iwan ang kanilang bahay nang makita nila ang dalawang armadong kalalakihan na may mga takip ang mukha na naglalakad sa tabing-dagat.
Mabilis naman ang naging aksyon ng mga tauhan ng PNP at AFP at kaaagad nilang sinuyod ang ilang mangrove area sa lugar na pinaniniwalaang pinagtataguan ng mga suspected Abu Sayyaf members.
Nakakita ang mga otoridad ng ilang lalagay ng pagkain pero hindi nila nakita ang mga sinasabing armadong kalalakihan.
Ang isla ng Olango ay 25 kilometro lamang ang layo sa bayan ng Inabanga sa Bohol kung saan ay naka-enkwentro at napatay ng mga otoridad ang ilang miyembro ng Abu Sayyaf.