Pagkabahala ng US sa EJKs, ‘di balak patulan ni Dela Rosa

bato-dela-rosa1-620x413Ipinagkibit-balikat lang ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa ang pagkabahala umano ng Estados Unidos sa lumolobong bilang ng extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Giit ni Dela Rosa, hindi naman siya nagtatrabaho sa Amerika, kaya hindi na niya ito pagkakaabalahan pa dahil naglilingkod lang siya para sa mga mamamayang Pilipino.

Hindi aniya siya magpapa-distract sa mga ganitong komento, at sa halip ay magpapatuloy na lang siya sa pagtatrabaho.

Matatandaang kamakailan lang ay nagpahayag si US deputy assistant secretary of state for Southeast Asia Patrick Murphy, na nababahala na sila sa pagdami ng mga nasasawi sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Ipinaalala ni Murphy na dapat sundin ng Pilipinas ang commitment nito na imbestigahan ang mga extrajudicial killings upang malaman kung may kinalaman ba ito sa law enforcement o pawang gawa talaga ng mga vigilante.

Samantala, tiniyak ni PNP spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos na iimbestigahan nila ang mga insidente ng “homicides” sa kasagsagan ng kanilang drug war.

Read more...