Matapos pasukin ang mga bahay sa Pandi, Kadamay humihingi naman ng tubig ay kuryente

 

Nag-protesta ang hindi bababa sa 100 miyembro ng Kalipunan ng Damayang Maralita (Kadamay) sa harap ng munisipyo ng Pandi sa Bulacan.

Ang apela ng Kadamay ngayon – suplay ng tubig at kuryente sa mga inokupa nilang mga pabahay.

Gayunman, sinabi ng isa sa kanilang mga pinuno na si Marian Cornelia na hindi naman nila hinihiling ang libreng tubig at kuryente, at iginiit na handa naman silang magbayad para dito.

Ayon kay Cornellia, napipilitan kasi ang mga pamilya ngayon na bumili ng tubig sa mga nagrarasyon mula sa iba pang lugar dahil wala silang sariling tubig.

Matatandaang una nang hiningi ng mga lider ng Kadamay na hindi na sila magbabayad ng upa sa mga inokupa nilang bahay sa Pandi Residence 3, na pabahay ng pamahalaan sa Brgy. Mapulang Lupa.

Iginigiit kasi nila na may karapatan sila sa libreng pabahay kung makakamit lang ang social justice.

Ayon kay Cornelia, nais sana nila ng libreng suplay din ng tubig at kuryente, ngunit batid nilang hindi naman papayag ang MERALCO.

Dahil dito, handa naman aniya silang magbayad ng utilities ngunit kailangan muna sana silang makabitan muna ng suplay.

Reklamo pa ni Cornelia, bakit ang mga bahay sa kanilang paligid ay may supply na ng tubig at kuryente pero sila ay hindi makabitan.

Ngunit sa kabila ng kanilang pagpo-protesta, sinabi sa kanila ni Pandi Mayor Celestino Marquez na hindi sa kanila dapat idulog ang ganitong hiling ng mga Kadamay dahil nasa pangangalaga ng National Housing Authority ang mga inokupa nilang bahay.

Dagdag pa ni Marquez, alam naman ng mga miyembrong ito na hindi pa tapos itayo ang karamihan sa mga bahay na kanilang inokupa ngunit nagpumilit pa rin sila.

Ibig sabihin aniya, handa dapat silang tanggapin ang mga nasabing bahay sa ilalim ng ganitong kondisyon.

Read more...