Sigalot sa West PH Sea, isinisi sa Aquino administration

 

Mistulang isinisi nina dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo at beteranong abogado na si Atty. Estelito Mendoza sa administrasyong Aquino ang kinakaharap na sigalot ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ayon kay Mendoza, noong administrasyon ni dating Presidente Noynoy Aquino nag-umpisa at lalong uminit ang problema ng Pilipinas sa pinag-aagawang West Philippine Sea.

Sa katunayan aniya ay lumala ang pagtatayo ng mga isla ng China at panggigipit sa mga mangingisdang Pilipino matapos na maghain ang Pilipinas ng reklamo sa United Nations Convention on the Law Of The Sea o UNCLOS.

Hindi umano gaya noong panahon ni Arroyo kung kailan tinatamasa ng Pilipinas ang kapayapaan sa West Philipine Sea.

At kahit ipinasa sa ilalim ng administrasyong Arroyo ang Republic Act 9522 o ang Archipelagic Baselines of the Philippines ay walang pag-alma ang China.

Dagdag nito, nagsagawa pa ng tinatawag na Joint Seismic Undertaking ang Pilipinas at China upang pagyamanin ang natural resources sa kontrobersyal na teritoryo.

Sinegundahan naman ni Congresswoman Arroyo ang mga naging pahayag ni Mendoza kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea.

Inilabas ni Mendoza ang isang primer na may titulong “The Space Or Maritime Area Of The Philippines” na nagpapaliwanag sa bawat bahagi ng karagatang teritoryong sakop ng Pilipinas.

Read more...