Pulis na nasawi sa bakbakan sa Inabanga, Bohol, ginawaran ng Medalya ng Kagitingan
Dumalaw si Philippine National Police chief Director General Ronald dela Rosa sa burol ng nasawing pulis sa engkwentrong naganap sa Inabanga, Bohol laban sa Abu Sayyaf Group.
Tumungo si Dela Rosa sa Barangay Ulbohan, sa Calape, Bohol kung saan nakalagak ang mga labi ng nasawing si PO2 Rey Anthony Nazareno.
Nasawi si Nazareno habang nakikipagbakbakan sa mga miyembro ng Abu Sayyaf sa Barangay Napu sa Inabanga, Bohol noong nakaraang linggo.
Sa pagpunta doon ni Dela Rosa, iginawad niya ang Medalya ng Kagitingan o Medal of Valor kay Nazareno sa pamamagitan ng pagbibigay nito sa kaniyang mga magulang.
Nakausap rin nang masinsinan ni Dela Rosa ang magulang ni Nazareno, at nag-abot din siya ng tulong pinansyal para sa maayos na pagpapalibing sa pulis.
Sinabi ng hepe ng PNP na isang mabuting ehemplo ang ginawang paglilingkod ni Nazareno sa bansa.
Balak din aniya sanang pumunta doon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit dahil sa higpit ng kaniyang schedule ay hindi na nito nagawang makadaan saglit sa lamay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.