Puganteng Koreano na sangkot sa investment scam nahuli ng CIDG
Arestado ang isang Korean national na umanoy pugante sa kanilang bansa matapos makapambiktima ng mga kapwa nya Korean sa isang investment scam na umaabot sa halagang higit 72.3 Billion South Korean Won na may katumbas na P3 Billion.
Kinilala ni Criminal Investigation and Detection Group Director C/Supt. Roel Obusan ang naarestong South Korean na si Oh Seung Jo, 51-anyos.
Nasakote si Jo ng mga kagawad ng CIDG ATCU o Anti-Transnational Crime Unit at Bureau of Immigration Fugitive Search Unit sa tinutuluyan nitong unit sa Acacia Hotel Commerce Avenue, Filinvest Corporate City sa Alabang, Muntinlupa City.
Naaresto si Jo sa bisa ng Interpol red notice at arrest order ng Bureau of Immigration.
Napag-alaman na nagtayo ng sariling kumpanya si Jo na tinawag na Ticket Life Co. Ltd at tumanggap ng mga investment kung saan pinangakuan ang mga biktima ng 2% interest per month sa kanilang inilagak na pera.
Dumating sa bansa si Jo noong 2016 at gumamit ng iba’t ibang pangalan at dito ipinagpatuloy ang kanyang ilegal na aktibidad hanggang masakote sa kanyang tinutuluyan kahapon.
Nakatakdang i-turn over sa Bureau of Immigration si Jo para isailalim sa deportation proceedings.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.