Duterte admin-“Golden age of infrastructure”

Mararanasan ng Pilipinas ang “golden age of infrastructure” sa kasagsagan ng administrasyong Duterte mula 2017 hanggang 2022.
Ito ang ibinida ni Socioeconomic Planning at National Economic Development Authority Sec. Ernesto Pernia.
Ayon kay Pernia, ito ay dahil sa mga karagdagang bilang ng mga “game-changing” na proyektong sisimulan at tatapusin bago matapos ang 2022.
Aniya, nasa mahigit P3.6 trillion na halaga ng public infrastructure ang inaasahang ipapagawa ng pamahalaan mula lamang sa taong 2018 hanggang 2020.
Samantala, sinabi naman ni Transportation Sec. Arthur Tugade na sa Nobyembre na nakatakdang lagdaan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang kasunduan na maghuhudyat ng pagsisimula ng pagtatayo ng kauna-unahang subway system sa bansa.
Bukod sa nasabing P225 bilyong halaga ng proyekto na magpapagaan sa biyahe ng mga commuters mula Quezon City hanggang Taguig, isusulong din ang pagtatayo ng Philippine National Railways (PNR) North Rail na magdudugtong sa Tutuban, Maynila at Clark, Pampanga.
Sisimulan aniya ang konstruksyon ng naturang P225 milyong halaga ng proyekto sa second quarter ng 2018 at inaasahang matatapos sa 2021.
Pagdating naman ng third quarter ng 2018 ay sisimulan na ang pagtatayo naman ng PNR South Rail na magdudugtong sa Maynila, Calamba at Los Baños, Laguna, hanggang sa Bicol region.
Inaasahan namang matatapos ang 2,000-kilometrong Mindanao Rail pagdating ng 2021, na magdudugtong sa Tagum, Davao at Digos cities.
Isa pang proyektong nakalatag sa administrasyong Duterte ay ang Luzon Spine Expressway na magpapa-iksi ng biyahe sa pagitan ng La Union at Bicol.
Ayon naman kay Public Works and Highways Sec. Mark Villar, magtatayo rin ang administrasyon ng Panguil Bay Bridge sa pagitan ng Misamis Occidental at Lanao del Norte, at Leyte Tide Embankment upang maiwasan na ang matinding pagbabaha tulad ng tumama sa Tacloban noong super bagyong Yolanda.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.