Simula sa buwan ng Hulyo ay ililipat na ng Department of Transportation (DOTr) ang kanilang operasyon sa loob ng Clark sa lalawigan ng Pampanga.
Sa kanyang pagsasalita sa “Dutertenomics Forum” sa Pasay City, sinabi ni DOTR Sec. Arthur Tugade na karamihan sa kanilang tanggapan ay ilalabas na nila sa Metro Manila para makabawas sa mabigat na daloy ng trapiko.
Ilang mga flights rin ang ililipas sa Clark International Airport para maging mas maluwag ang airspace sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Inihayag rin ng kalihim na nakatakda nang lagdaan sa buwan ng Nobyembre nina Pangulong Rodrigo Duterte at Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang P227 Million subway project na pakikinabangan ng mga residente sa Metro Manila.
Ang nasabing proyekto ay kabilang sa “golden age of infrastructure” projects na nauna nang ipinangako ni Duterte sa ipatutupad sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Tinatayang aabot sa 350,000 na mga pasahero ang makikinabang sa makabagong 13-station subway na ipatatayo ng pamahalaan ng Japan bilang bahagi ng commitment ni Abe na $424 Billion investments sa loob ng limang taon.
Kabilang sa mga magiging himpilan ng panukalang subway project ay: Mindanao Avenue, North Avenue, Quezon Avenue, East Avenue, Anonas, Katipunan, Ortigas North, Ortigas South, Kalayaan, Bonifacio Global City, Cayetano Boulevard, Food Terminal Inc. at Ninoy Aquino International Airport.
Sinabi ni Tugade na inaasahan nilang magiging fully operational ang nasabing mega-project pagdating ng taong 2020.
Samantala, idinagdag rin ni Tugade na sa taong 2018 ay sisimulan na rin ang rehabilitasyon ng PNR service na at inaasahang matatapos sa 2022.
Kapag naayos ang nasabing ruta ng tren ay aabutin na lamang ng 55 minuto ang biyahe mula sa Tutuban sa Maynila hanggang sa Clark sa lalawigan ng Pampanga.