Mass resignation itinanggi ng Bureau of Immigration
Nilinaw ni Bureau of Immigration Commissioner Jaime Morente na hindi totoo ang mag reports na mayroong mass resignation sa hanay ng mga empleyedo ng naturang ahensiya.
Bilang patunay ay sinabi ng opisyal na nasa 36 lamang ang nag-resign sa kanilang mga empleyado sa loob ng taong kasalukuyan.
Bagaman marami ang nag-file ng kani-kanilang vacation leaves ay hindi naman umano ito nangangahulugan na sila ay aalis na sa Bureau of Immigration.
Umapela rin sa mga mambabatas si Morente na dapat nang ma-amyendahan ang 1040 immigration act dahil kakarampot lamang umano ang sweldong natatanggap ng mga B.I employees at kulang ito sa kanilang pang araw-araw na gastusin.
Magugunitang kamakailan ay ipinautos ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanselahin ang overtime pay na tinatanggap ng mga immigration employees base na rin sa naging rekomendasyon ng Department of Budget and Management dahil mas malaki umano ito kumpara sa basic salary ng mga empleyado ng ahensiya.
Ipinaliwanag naman ni Morente na balik na sa normal ang operasyon ng kanilang tanggapan at nasa 95-percent na ang attendance ng kanilang mga empleyado partikular na sa mga paliparan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.