619 pasahero iniligtas ng PCG sa tumirik na barko sa Misamis Occidental

PCG Ozamis
PCG photo

Matagumpay na na-rescue ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 619 pasahero ng M/V Trans Asia 2 makaraang magka-aberya ang mga makina nito sa karagatang sakop ng Polo Point, Plaridel, Misamis Occidental kaninang umaga.

Sa ulat ng Coast Guard Station sa Ozamis City, kaagad silang nagpadala ng mga tauhan makaraang matanggap ang distressed call mula sa kapitan ng nasabing barko.

Naging katuwang ng PCG sa pagsagip ng mga pasahero ng M/V Trans Asia 2 ang M/V Royal Seal na pag-aari ng  Daima Shipping Lines.

Sa paunang ulat na nakarating sa Headquarters ng PCG sa Maynila, galing umano ang M/V Trans Asia 2 sa Ozamis City noong April 16 at papunta sa lalawigan ng Cebu.

Ilang oaras makaraan itong makaalis sa pantalan ay bigla na lamang umanong nagkaroon ng aberya ang makina ng barko kaya mabilis na sumaklolo ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard mula sa Ozamis City.

Makaraang mailipat ang mga pasahero sa M/V Royal Seal ay kaagad silang ibinalik sa pantalan ng Ozamis City at pansamantalang namamalagi doon habang hinihintay ang barkong ipadadala ng operator ng M/V Trans Asia 2.

Read more...