26 patay sa bus na nahulog sa bangin sa Nueva Ecija
(Update) Umakyat na sa 26 ang bilang ng mga patay at 21 naman ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang isang pampasehrong bus sa Barangay Kapintalan, Carranglan sa lalawigan ng Nueva Ecija kaninang pasado alas onse ng umaga
Ito ay batay sa bilang ng mga rescuers sa lugar sa ulat ni Mayor Mary Abad na nakarating sa Camp Crame.
Ayon kay Carranglan PNP OIC Senior Inspector Robert de Guzman, nasa isang daang talampakan na bangin ang kinahulugan ng 45-seater na Leo Maric Bus na may Plakang AVS 757.
Sa impormasyon, natuklap umano ang bubong at tagiliran ng bus at tumilapon pa mula rito ang mga pasahero.
Pawang mga sugatan ang mga katawan na nakuha sa naaksidenteng bus ng mga otoridad na kinabibilangan ng mga sugatan at mga patay.
Biyaheng Candon Ilocos Sur at galing sa lalawigan ng Isabela ang naaksidenteng Leo Maric Bus.
Ayon kay de Guzman, sa kwento ng mga saksi ay mabilis ang takbo ng bus hanggang sa malaglag ito sa bangin.
Nakatalon umano ang konduktor na hindi pa matunton ngayon ng mga otoridad.
Dinala na sa ospital ang mga nasugatang pasahero base sa ulat na nakarating sa Camp Crame.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.