Binatilyong nagtitinda ng “sinapot,” nasagasaan sa Pili, Camarines Sur
Patay ang isang 15-anyos na vendor sa Pili, Camarines Sur matapos siyang masagasaan ng pampasaherong bus.
Ayon kay Chief Insp. Chito Oyardo ng Pili police, hinahabol ng biktimang si Alexis Nueva ang R. Volante Line bus upang makapagtinda ng “sinapot.”
Gayunman, nabundol siya ng nasabing bus at nagulungan pa siya nito sa Fuentabella Highway sa Barangay Anayan.
Nagmula sa Legazpi City sa Albay ang bus na papunta na sanang Metro Manila nang mangyari ang aksidente.
Dinala pa sa Bicol Medical Center sa Naga City ang binatilyo ngunit idineklara ring dead on arrival.
Ayon kay Oyardo, madalas na hinahabol ng mga nagtitinda ng sinapot ang mga bus para makapagtinda sa mga nakasakay na pasahero, pagkatapos ay magmamadaling bumaba naman para mahabol ang mga susunod pang bus.
Kadalasan din aniyang nakakabitiw ang mga ito sa pagkaka-kapit dahil mamantika ang kanilang mga kamay.
Dahil sa insidente, kakausapin ng mga pulis ang mga tindero upang mapaalalahanan sila tungkol sa pag-iingat habang nagtitinda.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.