Umaabot na sa anim ang naitalang patay ng Office of the Civil Defense sa patuloy na pagbayo ng bagyong Ineng sa Northern Luzon partikular na sa Cordillera Autonomous Region (CAR).
Sa report ni OCD-Cordillera Regional Director Alex Uy, dalawa ang naitalang patay sa landslide sa lalawigan ng Benguet samantalang isa naman ang natabunan at namatay sa mudslide sa Mt. Province sa kasagsagan ng bagyong Ineng biyernes ng umaga.
Ang biktima ay kinilalang si Yickir Mayon, sampung taong gulang at residente ng Brgy. Namantec, Sabangan Mt. Province.
Kasama ng biktima ang kanyang nanay at isa pang kapatid na parehong nakaligtas nang biglang magkaroon ng mudslide sa kanilang lugar na naging dahilan para matabunan ng buhay si Yickir.
Sa lalawigan ng Benguet, sinabi ni Uy na patay ang magkapatid na sina Eric Celo, 20-years-old at Markin Celo, dalawampu’t isang taong gulang nang maguhuan sila ng bahagi ng bundok sa kanilang tinutuluyang temporary shelter sa Brgy. Gambang sa Bayan ng Bakun.
Idinagdag din ni Uy na may natanggap silang report na may isang motorcycle rider ang nabagsakan ng puno sa Brgy. Badio sa Bayan ng Pinili at meron din silang impormasyon na may nakita ring isang bangkay ng lalaki sa nasabi ring lugar.
Sa ulat naman na pumasok sa Central Monitoring Center ng National Disaster Risks Reduction and Manangement Council (NDRRMC), isa pang bangkay ng lalaki ang nakita sa landslide area sa Bayan ng Sabangan pero hindi pa nakukuha ang pagkakakilanlan ng nasabing biktima.
Sa kaubuan, anim na ang patay dulot ng bagyong Ineng base sa opisyal na listahan ng NDRRMC samantalang libo-libo pa rin ang mga nagsisiksikan sa mga itinayong evacuation centers sa ibat-ibang mga lalawigan sa Region 1, Region 2 at Cordillera Autonomous Region.
Sa panayam naman kay Benguet Governor Nestor Fongwan, sinabi ng gobernador na pito na bilang ng namamatay batay sa ulat ng mga rescue and retrieval teams, Malakas na pag-Ulan ani Fongwan ang nagdulot ng malakaking landslide sa kabundukan. / Jimmy Tamayo, Den Macaranas