5 pulis, 3 iba pa sugatan sa kambal na pagsabog sa Tacurong City, Sultan Kudarat

By Jay Dones April 18, 2017 - 12:31 AM

 

Google Maps

Hindi bababa sa walo katao ang napaulat na nasugatan sa magkasunod na pagsabog na naganap sa Tacurong City, Sultan Kudarat, Lunes ng gabi.

Ayon kay Sr. Supt. Raul Supiter, provincial director ng Sultan Kudarat Provincial Police Office, naganap ang unang pagsabog dakong alas 7:00 ng gabi sa comfort room ng Dragon Gasoline Station na matatagpuan sa kanto ng National highway at New Isabel St.

Agad naman itong nirespondehan ng mga otoridad upang mag-imbestiga.

Gayunman, habang kumakalap ng ebidensya sa blast site ang mga tauhan ng crime scene investigation at EOD team, dito na sumabog ang ikalawang bomba na iniwan ng mga suspek malapit sa signboard ng gasolinahan.

Dahil dito, nagtamo ng mga tama ng shrapnel ang mga biktima na karamihan ay mga pulis.

Kinilala ni Supiter ang mga biktima ng pagsabog na sina Staff Sergeant Ipil Presaldo, S/Sgt. Menzo Salsalito Manoy, SPO2 Jasper Garcia, PO1 Martin San Pedro, PO1 Eleazar Sustiguer at tatlo pang sibilyan na sina Bobong Bamo, Michael Pon at isa pang hindi kinilalang biktima.

Samantala, isa pang improvised explosive device ang natagpuan may isandaang metro ang layo mula sa gasolinahan na pinangyarihan ng dalawang pagsabog.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.