Naglagak ng P36.02 Million na deposito si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang bahagi ng kanyang inihaing protesta sa Supreme Court na nagsisilbi bilang Presidential Electoral Tribunal (PET).
May kaugnayan ang nasabing petisyon sa kanyang paghahabol sa resulta ng vice presidential election noong 2006 kung saan ay idineklarang panalo si Vice President Leni Robredo.
Sa kabuuan ay aabot sa 39,221 clustered precincts na kumakatawan sa 132,446 precincts ang kinukwestyon ni Marcos sa PET na umano’y balot ng dayaan ang inilabas na resulta sa nakalipas na halalan.
Si Robredo naman ay may kinukwestyon rin na 32,278 precincts.
Sa kabuuan ay aabot sa P66.02 Million ang dapat na bayaran ni Marcos samantalang P15,493,000 naman ang kay Robredo.
Nauna nang itinakda ng PET na P500 ang bayad sa bawat presinto na muling isasailalim sa pagbibilang ang resulta ng halalan.
Sa kanyang pagpunta sa Supreme Court kanina ay kaagad siyang sinalubong ng mga taga-suporta samantalang naghain naman ng manipestasyon ang kampo ni Robredo na nagsabing si Marcos ang dapat na magbayad sa pagbibilang sa mga kinukwestiyong presinto noong eleksyon.
Ngayong araw na ito ang huling araw para kina Marcos at Robredo na makapagbayad sa PET.