Panukalang dudurog sa MMDA inihain na sa Kamara
Ipinabubuwag na ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza ang Metro Manila Development Authority o MMDA.
Inihain ni Atienza ang House Bill 5758 na layong lusawin na ang MMDA at bubuo na ng Metropolitan Manila Government o MMG.
Paliwanag ng mambabatas, hangad ng pagbuo ng MMG na magkaroon ng ngipin ang pagresolba sa mga problema ng mga siyudad sa Metro Manila lalong-lalo na ang matinding daloy ng trapiko.
Sakaling maging ganap na batas, ang mamumuno sa MMG ay tatawaging ‘Governor’ na ihahalal naman ng mga residente sa mga lungsod na bumubuo sa Kalakhang Maynila.
Magkakaroon din ng Vice Governor at Metro Manila Council na ihahalal din ng mga residente ng Metro Manila.
Ani Atienza, noong 1973 ay isang aniyang eksperimento ang tinatawag na Metro Manila Commission na pinamunuan ng dating first lady Imelda Marcos at naging epektibo ito.
Hanggang sa magkaroon ng MMDA na aniya’y may lack of accountability ang Chairman at hindi sinusunod dahil itinalaga lamang ng Pangulo at hindi dumadaan sa pagpili ng publiko.
Higit sa lahat, palala nang palala ang daloy ng trapiko, subali’t panay mababaw na paraan lamang ang solusyon ng MMDA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.