Duterte napanatili ang mataas na trust at approval ratings sa Pulse Asia survey

Duterte fist
Inquirer file photo

Nangunguna pa rin si Pangulong Rodrigo Duterte sa hanay ng top officials ng gobyerno na may pinakamataas na approval at trust ratings, batay sa latest survey ng Pulse Asia.

Subalit, bahagyang bumaba ang rating ni Duterte noong Marso 2017 kumpara sa rating nito sa Pulse Asia survey noong December 2016.

Sa naturang survey na ginawa mula March 15 hanggang 20, 2017 at may 1,200 respondents, nakakuha si Duterte ng 78% approval rating, habang 76% naman ang kanyang trust rasting.

Si Vice President Leni Robredo ay mayroong 58% approval rating sa latest survey, na apat na porsyentong mababa mula sa 62%, tatlong buwan na ang nakalilipas.

Ang trust rating ng pangalawang pangulo, nasa 56% na mula sa dating 58%.

Ang approval rating naman ni Senate President Aquilino Pimentel III ay nanatili sa 55%, pero tumaas ang kanyang trust rating sa 51%.

Habang si House Speaker Pantaleon Alvarez ay mayroong 40% latest approval rating, at bumaba ng isang puntos ang kanyang trust rating o 37%.

Bumaba rin ang approval rating ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa 42%, na hindi nalalayo sa kanyang trust rating na 40%.

Pagdating naman sa performance ratings, pinakamataas ang nakuha ng Korte Suprema o 57%, na sinundan ng Senado, 55% at Kamara, 50%.

Tabla ang Supreme Court at Upper House sa trust rating, na kapwa nakakuha ng 54%, habang ang Lower House ay 49%.

Kabilang sa mga malalaking storya na nangyari noong panahong ginawa ang survey ay ang paghahain ng impeachment complaint laban kay Duterte; pagsusumite ng video message ni Robredo sa U.N., imbestigasyon ng Senado sa Davao Death Squad, pagkakaaresto kay Senadora Leila de Lima, at pagpasa ng Kamara sa Death Penalty bill.

Read more...