Bagyong Ineng bahagyang humina, pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon magpapatuloy – PAGASA
Bahagyang humina ang bagyong Ineng (International name: Goni) habang tinatawak ang hilagang silangan ng Calayan Cagayan ayon sa pinakahuling weather bulletin na inilabas ng PAGASA.
Ang bagyong Ineng ay huling namataan sa layong 130-kilometers Northeast ng Calayan Cagayan taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 160 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong umaabot sa 195 kilometers per hour.
Nanatiling nakataas ang public storm signal number 3 sa mga lalawigan ng Batanes, Northern Cagayan, Babuyan at Calayan Group of Islands.
Signal number 2 naman sa natitirang bahagi ng Cagayan, Northern Isabela, Kalinga, Apayao at Ilocos Norte.
Nakataas pa rin ang signal number 1 sa ilang bahagi ng Isabela, Mt. Province, La Union, Ilocos Sur at Ifugao.
Sa kasalukuyan ay nakataas ang Yellow Rainfall Warning dito sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Bulacan.
Ayon sa PAGASA, patuloy na makararanas ng pag-ulan sa maghapon ang naturang mga lugar dahil sa patuloy na paghatak ng bagyong Ineng sa hanging Habagat.
Pinapayuhan rin ang mga nakatira sa mga mabababang lugar na manatiling alerto dahil sa banta ng flashfloods dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan. / Den Macaranas
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.