Pinag-iingat ng Social Security System (SSS) ang publiko kaugnay sa mga kumakalat na pekeng mga tseke na nakapangalan sa nasabing ahensya ng pamahalaan.
Sinabi ni SSS Senior Vice President for Luzon Operations Group Josie Magana nabiktima ng pekeng SSS check ang Catanduanes Supermart sa Virac, Catanduanes.
Isa umanong nagngangalang Gina S. Henzon ang nag-isyu ng P20,000 na tseke na nakapangalan sa SSS bilang pambayad sa kanyang mga pinamiling produkto.
Dahil nagpakita ng mga I.D si Henzon kaya inakala ng cashier ng nasabing tindahan na valid ang tseke at tunay pati na rin ang kanyang mga dalang identification cards nito.
Pero ng kanilang ideposito sa bangko ay saka lamang nabisto na peke ang ibinayad na tseke na may account name na SSS.
Pati ang pangalang Gina. S Henzon at ang ipinakitang SSS number nito ay peke ayon na rin sa verification na ginawa ng ahensiya.
Pinuntahan na rin ng mga otoridad ang sinasabing bahay ng nagpakilalang si Gina S. Henzon pero pati ang ibinibay nitong address ay peke rin pala.
Kaugnay nito ay naglabas ng babala ang SSS sa publiko kaugnay sa mga pekeng tseke.
Para ireport ang mga gumagawa ng ganitong kalokohan, pinapayuhan ng SSS ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang SSS hotline na 920-64-46 hanggang 55 o mag-email sa member_relations@sss.gov.ph.