Inilabas ng Philippine National Police Regional Office 7 ang larawan ng Abu Sayyaf Leader na sinasabing nanguna sa pakikipagsagupa sa puwersa ng military sa Barangay Napo, sa bayan ng Inabanga, Bohol kahapon.
Kinilala ng mga opisyal ng PNP Regional Office 7 ang suspek na lider ng Abu Sayyaf na si Muamar Askali, alyas ‘Abu Rami’.
Si Abu Rami umano ang namuno sa grupo ng mga Abu Sayyaf na pumasok sa naturang bayan sa pamamagitan ng Napo River habang sakay ng tatlong pumpboat.
Dahil sa bakbakan, napilitan naman ang mga residente na magsilikas sa kani-kanilang mga tahanan sa pangambang madamay sa engkwentro.
Nagpatupad rin ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan ng Inabanga sa Barangay Napo upang makaiwas sa disgrasya ang mga residente.
Una rito, namataan ng ilang mga residente ang pagpasok ng mga armadong kalalakihan sa kanilanglugar Martes ng umaga kaya’t inalerto ng mga ito ang mga otoridad.
Nang magpang-abot, dito na nagkaroon ng bakbakan sa magkabilang panig na nagresulta sa pagkamatay ng siyam katao kabilang na ang tatlong sundalo at isang pulis.
Rumesponde rin ang Philippine Air Force sa pamamagitan ng pagbabagsak ng mga bomba sa pinagtaguan ng mga bandido.