Canada, UK naglabas na rin ng travel warning para sa Central Visayas

 

Inquirer file photo

Bukod sa Amerika at Australia, nagpalabas na rin ng travel warning ang mga embahada ng Canada at United Kingdom sa Pilipinas sa kanilang mga citizens na maging alerto sa banta ng terorismo kung bibisita ang mga ito sa Central Visayas.

Ang advisory ng dalawang bansa ay inisyu habang nagkakaroon ng sagupaan sa pagitan ng militar at hinihinalang grupo ng Abu Sayyaf sa lalawigan ng Bohol kahapon.

Inabisuhan ng UK Foreign at Commonwealth Office at ng Canadian embassy ang kanilang mga citizens na maging alerto kung mamamasyal sa Central Visayas partikular sa lalawigan ng Bohol at Cebu sa mga susunod na araw.

Nauna rito, naglabas na rin ng kanilang sariling abiso ang Australia noong Lunes na nagbibigay-babala sa kanilang mga citizen na mamamasyal sa naturang rehiyon dahil sa mataas na antas ng banta ng terror attack at kriminalidad.

Noong Abril 9, inabisuhan na rin ng US embassy ang kanilang mga mamamayan na nagsasabing nakatanggap ito ng ‘unsubstantiated yet credible information’ na nagbabalak ang ilang terror group na mangidnap sa Central Visayas.

Kahapon, isang grupo ng hinihinalang Abu Sayyaf ang nakasagupa ng puwersa ng military kung saan 9 na ang napaulat na nasawi.

Read more...