Banta ng terorismo sa Visayas, posibleng pakana ng dating Rajah Solaiman Movement
Kinumpirma ni National Security and International Studies Expert Professor Rommel Banlaoi na mayroon talaga silang namo-monitor na teroristang grupo sa rehiyon ng Visayas.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Banlaoi, sinabi niyang na-monitor ng Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research (PIPVTR) na mayroong mga followers at sympathizers ang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa Pilipinas na naka-base sa Visayas.
Ang PIPTVR ay isang independent at non-government research organization na naglalayong labanan ang karahasan at terorismo sa pamamagitan ng peace research.
Aniya pa, ang mga namamatyagan nilang mga personalidad na posibleng nagpa-plano ng terorismo sa bansa ay pawang mga dating miyembro ng militanteng grupo na Rajah Solaiman Islamic Movement (RSM).
Kilala ang RSM sa madugong pag-atake na isinagawa nila sa SuperFerry 14 na kanilang pinasabog noong 2004 na ikinasawi ng mahigit 100 katao, pati na ang 2005 Valentine’s day bombing.
Bagaman pansamantalang nanahimik, sinabi ni Banlaoi na hindi tuluyang nawala ang RSM at nagpalit lang ito ng pangalan dahil nananatiling aktibo ang mga personalidad na may konektado sa kanila tulad ni Dino Amor Pareja.
Si Pareja ay naaresto noong August 2009, pero ayon kay Banlaoi, wala silang impormasyon ngayon kung nananatili pa ba itong nakakulong, o nakalaya din dahil sa kakulangan ng ebidensya laban sa kaniya.
Suportado din aniya ng kanilang mga kaanak ang grupo ni Pareja, lalo na’t bayaw nito si Ahmed Santos na sinasabing founder ng RSM, at kilala na rin ng mga teroristang grupo dahil sa panunumpa nito ng allegiance sa ISIS.
Malaki aniya ang posibilidad na totoo ang sinasabing banta ng terorismo sa Visayas dahil may terror group nang nagawang makapag-establish ng foothold sa rehiyon.
Samantala, wala pa namang kumpirmadong ulat sina Banlaoi tungkol sa umano’y pagkasawi ni Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon, na sinasabing pangunahing koneksyon na ng ISIS sa Pilipinas.
Gayunman, ang natitiyak lang aniya nila ay layon ni Hapilon na tipunin lahat ng mga armadong grupo sa Pilipinas, upang opisyal na silang kilalanin ng ISIS at magdeklara na ng probinsya nito sa bansa.
Sa ngayon ay nasa 12 armadong grupo na sa Pilipinas ang nag-pledge ng allegiance sa ISIS, at ang mga ito ang target isali ni Hapilon sa kaniyang malaking grupo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.