Isa patay, anim sugatan sa pamamaril sa Makati

Kuha ni Cyrille Cupino

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa kahabaan ng Lopez Jaena St., Brgy. Rizal, Makati City.

Kinilala ang biktima na si Christopher Esguerra, 35-anyos, isang negosyante.

Ayon sa live-in partner ng biktima, nagsi-celebrate sila ng kanilang anniversary at lumabas lamang sandali sa kanilang bahay ang biktima.

Nagulat na lamang umano sila nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril.

Kwento ng ilang nakasaksi, tatlong lalaki na naka-suot ng bullcap ang kanilang nakita na bumaril sa biktima.

Matapos ang pamamaril, tumakbo lamang umano ang mga suspect paakyat sa footbridge.

Idineklara namang dead-on-arrival sa Ospital ng Makati ang biktima.

Samantala, anim na katao ang naitalang sugatan sa insidente, kabilang ang apat na bata at dalawang matanda na nadaplisan ng bala habang nakatambay sa lugar.

Kinailangan pang operahan sina Veronika Carlos, 28 anyos at Derrick Roxas, 18, matapos matamaan ng bala.

Dinala ang mga biktima sa ospital, at ligtas na rin ang kalagayan sa ngayon.

Mahigit 20 bala ng di pa malamang kalibre ng baril naman ang narekober ng pulisya sa crime scene.

Ayon sa barangay, dati nang nasangkot sa bentahan ng iligal na droga ang napatay na biktima.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Makati City Police sa naturang pagpatay.

Read more...